Pagpapalakas ng napapanatiling produksiyon ng niyog sa Pilipinas
Ang Pilipinas ang isa sa pinakamalaking exporter ng mga niyog at langis ng niyog sa mundo, isang pangunahing sangkap sa mga pagkain, mga produktong pampaganda, panlinis at medikal. Gayunpaman, ang industriya ng niyog sa Pilipinas ay nahaharap sa iba’t-ibang mga hamon. Maraming mga maliliit na magsasaka ng niyog ang nakararanas ng mababang ani dahil sa mga kadahilanang panlipunan, pinansiyal at lohistikal na nagpapahirap sa mga magsasakang ito na matugunan ang lumalaking pangangailangan sa pandaigdig na merkado para sa napapanatiling langis ng niyog.
Para matugunan ang isyung ito, nakipagsanib-puwersa ang Cargill sa anim na multinasyunal na kumpanya ng mga bilihing produkto at sa isang bihasang pampublikong katuwang sa pakikipagtulungan ukol sa kaunlaran, ang Deutsche Gesellschaft für Internationale Zusammenarbeit (GIZ) GmbH, para mapabuti ang mga kondisyon ng produksiyon ng langis ng niyog sa mga supply chains sa mga rehiyon ng Katimugang Mindanao at Palawan sa Pilipinas.
Ang Barry Callebaut, Cargill, Friesland Campina, JDE Peet’s, Nestlé, Procter & Gamble, Unilever at GIZ ay nagtutulungan sa kanilang mga mapagkukunang yaman at kadalubhasaan bilang bahagi ng programang develoPPP, kung saan sinusuportahan ng German Federal Ministry for Economic Cooperation and Development (BMZ) ang mga hakbangin sa negosyo na may positibong epekto para sa napapanatiling kaunlaran. Ang isa pang katuwang - ang Pangasiwaan sa Niyog ng Pilipinas [Philippine Coconut Authority (PCA)] - isang ahensiya ng gobyerno - ay nagtratrabaho upang maulit ang mga nakamit ng apat na taong proyekto para tulungan ang mas maraming mga magsasaka sa buong bansa. Ang Agricultural Training Institute (sa ilalim ng Kagawaran ng Agrikultura ng Pilipinas) ay nagbibigay sa mga magsasaka ng kasanayan sa agrikultura na nangangalaga sa likas na yaman.
Ang proyekto ay nag-aalok ng mga panukala kung saan makikinabang ang lahat ng mga magsasaka, negosyante at lokal na ekolohiya. Ito ay inilaan para mapabuti ang mga pagkakataon sa kita ng mga magsasaka habang isinasaalang-alang din ang mga mahahalagang bagay ng mga kondisyong pangkapaligiran at panlipunan. Kasabay nito, ang mga katuwang na korporasyon ay nakikinabang mula sa mas mataas na pagkamaaasahan, transparency at sustainability ng kanilang mga supply chains. Nagbahagi ng pananaw sa proyekto si Cornelia Skokov, Punong Tagapayo ng Agri-dPP Philippines sa GIZ, na siyang namumuno sa proyekto.
T) Ano ang ilan sa mga hamon sa pagkamit ng sustenableng produksiyon ng niyog?
Isang malaking hamon ang mababang presyo ng mga produkto ng niyog. Ang mga niyog ay pinalalaki karaniwan na ng mga maliliit na magsasaka na lumilinang ng lupang mas maliit pa sa apat na hektarya ng lupa. Kabilang sila sa pinakamahihirap na magsasaka sa Pilipinas. Ang mabilis na pagbabago sa presyo ay lalong nagpapatindi sa hamon na gawing kabuhayan ang produksiyon ng niyog. Dagdag pa rito, ang kumplikadong kayarian ng supply chain ng niyog ay nagdudulot ng mataas na gastos sa lohistika at transportasyon sa Pilipinas – mga gastos na kasalukuyang dinadala ng mga magsasaka.
Pangalawa, dahil sa kakulangan ng kaalaman at suportang pinansiyal, maraming magsasaka ng niyog ang hindi kayang pagbutihin ang kanilang mga kasanayan sa agrikultura, na humahantong sa napapabayaang ani. Gayundin, ang pagtatanim ng iisang uri ng pananim ay karaniwan, na siyang dahilan kung bakit mas nakadepende sila sa niyog, sa gayon ay mas walang kalaban-laban.
Pangatlo, natural na mga kalamidad. Ang iba’t ibang lugar sa Pilipinas kung saan may mga nakatanim na niyog ay lantad sa mga bagyo, na maaaring humantong sa pagkawala ng produksiyon sa agrikultura at sirang ani.
Panghuli, malaking hamon para sa mga magsasaka ng niyog ang pagpasok sa pamilihan. Sa gayon, ang pakikipagtulungan sa GIZ at sa mga pribadong kumpanya, na pumapapel bilang mamimili ng produkto ng niyog, ang kumakatawan sa merkado.
T) Paano makakamit ng proyekto ang mga layunin nito? Ilang mga magsasaka ang maaabot ng proyekto?
Ang proyekto ay gumagana para alamin ang pinakaepektibong mga kasanayan sa agrikultura at mga solusyon na dapat gamitin ng magsasaka para mapabuti ang produksiyon. Kami ay nagsasanay ng mga magiging tagapagsanay sa 10,000 magsasaka sa dalawang rehiyon ng proyekto, ang Katimugang Mindanao at Palawan, sa pamamagitan ng kurikulum ayon sa kanilang pangangailangan. Ginagamit nito ang napatunayang pamamaraan ng GIZ na Farmer Business School (FBS) para ipakilala at itaguyod ang mga kasanayan sa agripreneurial at mapahusay ang kapasidad ng mga maliliit na magsasaka ng niyog sa pangangasiwa ng kanilang sariling sakahan bilang isang negosyo.
T) Paano nag-aambag sa proyekto ang iba’t ibang mga katuwang sa proyekto?
Ang magkakaibang kadalubhasaan ng iba’t ibang mga katuwang ay mahalaga para sa tagumpay ng proyekto. Sinusuportahan ng GIZ ang pagbuo ng kapasidad ng mga magsasaka ng niyog, nanghihikayat sa pagpapataas ng mahuhusay na kasanayan sa agrikultura at ang pagpapakilala ng mga pamantayan sa sustainability gamit ang iba’t ibang programa sa pagsasanay.
Nakatuon ang Cargill sa pagsuporta sa mga magsasaka na umunlad sa lokal at pandaigdigang pamilihan. Lumilikha kami ng mga koneksiyon sa lahat ng antas ng mga magsasaka upang madagdagan ang kanilang pagiging produktibo at kakayahang kumita. Ginagawa namin ito sa pamamagitan ng pagtataguyod ng napapanatili at makabagong kasanayan sa agrikultura, pagbibigay ng malawak na pagpasok sa merkado at pagbuo ng matatag na komunidad pang-agrikultura.
Ang mga pribadong katuwang ay nagbibigay ng pananaw sa merkado at makaiimpluwensiya sa malaking bahagi ng supply chain. Ang kanilang mga desisyon ay maaaaring magdulot ng pagbabago sa buong sektor sa applied sourcing. Ang kanilang karagdagang pinansiyal at teknikal na mga kontribusyon ay magagamit ng GIZ para maiangat ang karagdagang suporta para mapabuti ang kalagayan ng pamumuhay ng mga komunidad sa kanayunan na umaasa sa produksiyon ng niyog (langis) para sa kanilang kabuhayan. Ang pagsasama ng mga pambansang katuwang, gaya ng Philippine Coconut Authority, ay mahalaga upang matiyak ang pangmatagalang tagumpay at sustainability ng mga resulta ng proyekto.
T) Ano ang iba’t-ibang mga pagsasanay na ibinibigay sa mga magsasaka at paano sila nakikinabang rito?
Bumuo kami ng isang malawak na manwal ng pagsasanay na nakatutok sa pagpapatibay ng mga napapanatiling kasanayan sa agrikultura at pagpapabuti ng kita at kabuhayan ng magsasaka. Ang pagsasanay ay tumutulong sa mga magsasaka na madagdagan ang kanilang kadalubhasaan sa pagsasaka at mapahusay ang kanilang kaalaman sa pagpapalaki, pagpapanatili ng kalidad, at pagbebenta ng mga niyog. Halimbawa, nagbibigay kami ng mga pagsasanay sa pakinabang ng pagpapalit ng mga pananim. Tinutulungan namin silang maunawaan kung paano nito pinatataas ang sustainability at binabawasan sa kanilang pagsalalay sa iisang pananim.
Ang isa pang haligi ng aming programa sa pagsasanay ay ang pagsasaka bilang isang negosyo, na tumutulong sa mga magsasaka na mas mahusay na planuhin ang kanilang aktibidad at asahan ang mga panlabas na mga kadahilanan at balakid gaya ng natural na mga kalamidad.
Kahit na ang proyekto ay nakatutok nang malawakan sa mga magsasaka, ito ay nakaugat sa mas malaking panlahatang pamamaraan tungkol sa pag-aalaga ng lupa. Sa paggamit ng LandScale, isang balangkas na binuo nang may suporta ng Rainforest Alliance, ang isinagawang pagsusuri sa sustainability ay tumutugon hindi lamang sa mga direktang supply chain para sa langis ng niyog kundi pati rin sa mga lugar ng paglilinang sa kabuuan. At, sa pamamagitan ng pag-angkop sa mga napapanatiling pakikisangkot sa mga lokal at panrehiyong pangangailangan habang kasama sila sa programa ng pagsasanay, ang proyekto ay makapagdudulot ng mas malaking pakinabang sa mga lokal na komunidad.